Saturday, July 7, 2012

sa pagdalaw ng alingawngaw






Minsan ko nang narinig ang alingawngaw na yan. Gigisingin ka niya sa kalaliman ng gabi. Kung kailan pinaka tahimik, kung kailan ang isip mo nalang ang gising at piniplit kang kumbinsihin na matulog na dahil pagod ka na, dahil pagod na rin ang isip mo sa kaiisip. Dahil kailangan niyo na pareho ng pahinga.




Parating maragsa ang dating ng alingawngaw. Hindi posibleng hindi ka niya masasagi at magugurlisan. Sa malalalang kaso pa nga, malalim ang sugat na ginagawa niya. Hindi maghihilom kasabay ng panahon tulad ng sabi nila. Mananatili itong bantad sa paghapdi. Ang akala mo gumagaling, ang hindi mo alam, nasasanay ka nalang sa sakit kaya hindi mo na pinapansin.




Naalala ko si ina, at nang unang dumalaw ang alingawngaw. Namingi ako. Akala ko may kulog na sumugat sa langit. Akala ko may lindol na yumanig sa akin magmula sa bumbunan hanggang sa talampakan. Pinawis ako ng malamig. Malamig at malagkit. Parang may kung anong kumapit sa balat ko na di maalis. At hindi na aalis. Humalo na ito sa amoy ng pawis ko. Kasama na ito sa bangis ng usok na ibinubuga ko mula sa sigarilyo. At kahit matagal ng nilamon ang usok ng kawalan, maamoy mo pa rin ito sa hininga ko. Buhay na buhay. Mabaho. Masangsang.




Takot daw ang tawag dito.




Nang masundan ng alingawngaw si ina, nagkatinginan sila ng matagal. Walang kumikilos. Walang gumagalaw. Para bang nakaabang sila sa maling hakbang na gagawin ng bawat isa. At pagkatapos ay mag-uunahan sa pagtakbo. O huhulihin ng mas malakas ang unang susuko. At gugupuin na niya ito, hindi na pakakawalan. Dadalhin kung saan niya gusto. Hanggang sa maturang na siya ang panalo.




Malakas ang loob ni ina. Pero nanghina ang katawan niya. Unti unti nakita ko, tinatalo siya ng alingawngaw. Gaano man niya kagustong manalo. Gaano man siyang nagsikap na manlaban.




Nakitakbo ako kay ina. Magkasama naming pinipilit takasan ang pagtugis ng alingawngaw. Magkatulong Naming pilit pinipigilan ang andar ng orasan. Pinapahaba ang bawat segundo. Binabali ang mga minuto. Hinihipan ang bawat oras papalayo.




Pero kakampi ng alingawngaw ang panahon. Orasan ang sandata niya. At habang inuubos nito ang lakas namin, habang hinihigop nito ang tira-tirang katas ng aming pananalig, lalo siyang lumalakas. Lalo siyang tumitikas.




Natalo si ina. Naisip ko na noon, doon talaga papunta ang laban. Wala pa akong alam na kwentong natalo ang alingawngaw. Ang sabi nga nila, kapag nakursunadahan ka, lagot ka. Walang kabuluhan ang pagkapit sa panahon o ang pananaid ng mga minuto. Lahat ito, ang alingawngaw ang nagtatakda.




Heto na naman siya. At sa ilalim ng kama ko nagtatago. Makailang ulit ko na siyang nakasama sa panaginip. Bangungot ang dala niya, pero natatakasan ko siya. Akala ko.




Putang ina! bakit ka ba natatakot?!




Dahil hindi pa ako tapos!




Tapos saan? Ano pa ba ang dapat mong tapusin? Akala mo ba totoong may katapusan ang mga gusto mong gawin? Pag nakatapos ka sa isa hahanap ka pa ng ibang magagawa. At tuloy tuloy yan..walang katapusan.




Pano ang mga iiwan ko?




Iiwanan mo sila! At mabubuhay sila. Maaalala ka nila paminsan minsan. Hindi ka nila kalilimutan. Pero tatanggapin nila na wala ka na. Katulad ng pagtanggap mo na wala na si ina.



Natatakot ako.




Dahil? Dahil hanggang ngayon naniniwala ka sa impyerno? Dahil nag-aalala ka na hindi sapat ang ginawa at ipinakita mong buti sa mundo at paparusahan ka sa pagsama mo sa alingawngaw?




Hindi, hindi ako takot sa impiyerno.




Eh sa langit? Baka sa langit ka natatakot? Dahil hindi ka sanay sa buhay na matahimik? Dahil hindi mo alam pano ang buhay na walang dahilang umiyak. Dahil hindi mo alam ang gagawin kapag wala kang dapat isipin at alalahanin?



Totoo kaya ang langit?




Alam mong hindi masasagot ang tanong mo na yan. Kahit nino. Ang tanong, mahalaga pa ba yan? Ang mahalagang pag-isipan mo ay ang naging buhay mo dito. Dito ka gumawa ng langit para sa sarili mo. At dito ka rin dumanas ng impiyerno. Sa pag-alis mo, ang tanong ay kung alin ang mas ibinuhay mo. Pwedeng hindi na maging sapat ang panahon para maitama mo ito. Pwedeng sa ngayon, huli na ang pagmumuni-muni mo. Pero may silbi pa rin ito. Yun ang wag mong kalimutan.




Ano pang silbi kung huli na nga ang lahat?




Mag-iiwan ka ng ala-ala. Sa lahat ng mga minahal mo at sa lahat ng nagmahal sayo. Sikapin mong ang mga huling oras na pagsasamahan niyo ay oras na masasaya. Yun ang regalo mo sa kanila. Yun ang huli mong iiwanan sa kanila. At ang mas mahalaga, mag-iiwan ka ng aral. Aral sa mga gainawa mong mali, sa mga palpakan at meron ding aral na magaganda. Itampok mo ang mga aral na yan. Wag itatwa o talikuran. Dahil maraming matutulungan yan. Maraming matutunan diyan. Nasa iyo ang susi para mangyari yan.



Ang hirap namang basta nalang biglang magbago. Bigla akong magiging masayahin at mapangaral? Likas ang pagiging mahadera ko!




Eh di masaya kang mahadera. At mahadera kang mangaral. Tinanggap ka ng mga taong nagmahal sayo ng kung ano ka. Walang labis walng kulang. Di mo kailangang baguhin anuman. Ang sinasabi ko lang, sa limitadong oras na meron ka, sulitin mo na. wag mo nang idaan sa drama.




----




Madilim na ulit ang gabi.Tahimik na lahat, pati ang kunsensiya ko.




Hindi ko alam kung ito na ang huling gabi ng pagdalaw ng aligawngaw para tuluyan nang isama ako. Sana hindi pa. Kahit isang araw nalang.




Gusto ko lang na magising ang anak ko na nakayakap ako sa kanya. Gusto ko lang batiin ang tatay ko ng magandang umaga. Gusto ko lang pasalamatan ang pamilya at mga kaibigan kong hindi tumalikod sa akin. Gusto ko lang humingi ng tawad sa lahat ng nasaktan ko. Gusto ko lang makapag dasal pa ng isang beses sa diyos na kinilala ko.




Kung ibibigay sa akin ang isang araw na yon, sa huling bigwas ng kamay ng orasan, sa muling paglubog ng araw, sa huling sandali ng kadiliman, handa na ako.

No comments:

Post a Comment